Zacarias Chapter – 10 – Ang Dating Biblia (1905)

Zacarias Chapters

1 Hingin ninyo sa Panginoon ang ulan sa kapanahunan ng huling ulan, sa Panginoon na nagpapakidlat; at kaniyang bibigyan sila ng ulan, at ang bawa’t isa’y ng damo sa parang.

2 Sapagka’t ang mga teraf ay nagsalita ng walang kabuluhan, at ang mga manghuhula ay nangakakita ng isang kabulaanan; at sila’y nangagsaysay ng mga kabulaanang panaginip, sila’y nagsisialiw ng walang kabuluhan: kaya’t sila’y nagsisiyaon ng kanilang lakad na parang mga tupa, sila’y nadadalamhati, sapagka’t walang pastor.

3 Ang aking galit ay nagalab laban sa mga pastor, at aking parurusahan ang mga lalaking kambing; sapagka’t dinalaw ng Panginoon ng mga hukbo ang kaniyang kawan na sangbahayan ni Juda, at kaniyang gagawin silang parang magilas na kabayo sa pagbabaka.

4 Sa kaniya lalabas ang batong panulok, sa kaniya ang pako, sa kaniya ang busog na pangbaka, sa kaniya ang bawa’t pinuno na magkakasama.

5 At sila’y magiging parang mga makapangyarihang lalake, na yayapakan nila ang kanilang mga kaaway sa putik sa mga lansangan sa pagbabaka; at sila’y magsisilaban, sapagka’t ang Panginoon ay sumasakanila; at ang mga mangangabayo ay mangatutulig.

6 At aking palalakasin ang sangbahayan ni Juda, at aking ililigtas ang sangbahayan ni Jose, at aking ibabalik sila uli; sapagka’t ako’y naawa sa kanila; at sila’y magiging parang hindi ko itinakuwil: sapagka’t ako ang Panginoon nilang Dios, at aking didinggin sila.

7 At ang mga sa Ephraim ay magiging parang makapangyarihang lalake, at ang kanilang puso ay mangagagalak na gaya ng sa alak; oo, ito’y makikita ng kanilang mga anak, at mangagagalak: ang kanilang puso ay masasayahan sa Panginoon.

8 Aking susutsutan sila, at sila’y pipisanin; sapagka’t aking tinubos sila; at sila’y magsisidami ng gaya ng kanilang dinami.

9 At aking pangangalatin sila sa gitna ng mga bansa; at aalalahanin nila ako sa mga malayong lupain; at sila’y nagsisitahang kasama ng kanilang mga anak, at magsisipagbalik.

10 Aking dadalhin uli sila mula sa lupain ng Egipto, at pipisanin sila mula sa Asiria; at aking dadalhin sila sa lupain ng Galaad at Libano; at walang dakong masusumpungan para sa kanila.

11 At siya’y magdadaan ng dagat ng kadalamhatian, at hahawiin ang mga alon sa dagat, at ang lahat ng kalaliman sa Nilo ay matutuyo; at ang kapalaluan ng Asiria ay mababagsak, at ang cetro ng Egipto ay mawawala.

12 At aking palalakasin sila sa Panginoon; at sila’y magsisilakad na paitaas at paibaba sa kaniyang pangalan, sabi ng Panginoon.

Free Email Updates !
Join the visitors who are receiving our newsletter and receive the Daily Mass Readings, Prayers and other updates directly in your inbox.
We respect your privacy and take protecting it seriously.